Isang pagtatalo kaugnay ng delivery fee ang nauwi sa pamamaril matapos barilin ng isang delivery van driver ang magbayaw na mga trabahador sa loob ng isang warehouse sa Palanca Street, Quiapo, Maynila.
Nasawi ang trentay dos anyos na biktima dahil sa mga tama ng bala sa katawan, habang kritikal naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang trentay singko anyos nitong bayaw.
Batay sa imbestigasyon ng MPD Homicide Section, ang mga suspek ay magkapatid na delivery riders na naghatid ng mga kalakal mula sa Pulilan, Bulacan. Matapos maibaba ang delivery, humingi ang mga suspek ng bayad dahil may susunod pa silang biyahe sa Makati, ngunit dito na nagkaroon ng mainitang sagutan.
Ayon sa pulisya, sinampal umano ng nasawing biktima ang pahinante, dahilan upang bumunot ng baril ang driver na nag-akala umanong kinukuyog ang kanyang kapatid. Agad nitong pinaputukan ang dalawang biktima.
Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek ngunit naaresto ang driver sa Batangas Port habang tinatangka umanong tumakas patungong Negros Occidental. Boluntaryo namang sumuko ang pahinante sa Barbosa Police Station, bitbit ang hindi lisensyadong baril na ginamit sa pamamaril.
Iginiit ng pahinante na self-defense ang ginawa ng kanyang kapatid, subalit inihahanda na ng MPD ang mga kasong murder, frustrated murder, at illegal possession of firearms and ammunition laban sa magkapatid.





