Kasabay ng pagsasagawa ng Media Accountability Orientation at Press Council Workshop nitong Marso 25 sa lungsod ng Ilagan, tiniyak ng Philippine Press Institute (PPI) na layunin ng programa na palakasin ang ugnayan ng media at komunidad sa pamamagitan ng Media Citizen Council.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Garry Mariano, Lecturer at Assistant Professor ng Department of Communication sa De La Salle University, sinabi nito na layon ng programa na ipatupad ang self-regulation ng media sa pakikipagtulungan sa lokal na komunidad. Nilalayon nitong mapabuti ang kalidad ng balita at matiyak na ang impormasyon ay tama, sapat, at kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Binanggit ni Professor Mariano na sa mga lugar kung saan nagkakaroon ng mga kasong legal tulad ng cyber libel o regular libel, kadalasan ay nagreresulta ito sa mas maingat at limitadong pag-uulat ng balita.
Sa pamamagitan ng Media Citizen Council, ang mga reklamo ay pinamamahalaan sa antas ng news desk sa halip na dalhin agad sa korte. Binibigyang-diin nito ang mediation at conciliation upang mapangalagaan ang reputasyon ng mga indibidwal sa lokal na komunidad.
Inaasahang makikilahok ang mga lokal na guro, negosyante, at clergy sa pagtatatag ng Media Citizen Council. Sa ngayon, mayroon nang 12 lugar sa buong bansa na nagpatupad ng konseptong ito at nakararanas ng benepisyo ng mas maayos na proseso ng reklamo at agarang pagtugon sa mga isyu bago ito lumala.
Ayon sa PPI, pangunahing benepisyo ng nasabing council ay ang pagkakaroon ng alternatibong mekanismo sa korte, na nagbibigay-daan para sa mas mabilis at epektibong pagresolba ng mga reklamo.
Pinagtibay din ng orientation ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at sapat na impormasyon upang matulungan ang publiko na gumawa ng tamang desisyon at mapanatili ang demokratikong kalayaan sa komunidad.






