Planong ipatupad ng City Population Office ng Cauayan City ang paglalagay ng Teen Centers sa bawat barangay bilang isa sa mga hakbang upang tugunan ang isyu ng adolescent pregnancy sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Population Program Officer II Rouchel Pareja, isinusulong ang pagbuo ng isang polisiya na maghihikayat sa mga barangay na maglaan ng espasyo para sa teen centers na magsisilbing ligtas na tambayan at sentro ng kaalaman ng mga kabataan.
Ayon pa kay Pareja, nakikita ng central office na epektibo ang teen centers bilang interbensyon laban sa maagang pagbubuntis.
Dagdag niya, sa mga teen centers ay magkakaroon ang kabataan ng kaalaman tungkol sa sexuality at fertility, peer education, at tamang pagbibigay ng payo sa kapwa kabataan sa tulong ng adolescent health program coordinators at mga impormasyong babasahin.
Samantala, layunin ng programang ito na mailayo ang kabataan sa maagang pagbubuntis at gabayan sila upang makagawa ng responsable at wastong desisyon para sa kanilang kinabukasan







