CAUAYAN CITY- Nagkakaproblema ang Schools Division Office (SDO) Cauayan sa pagtukoy ng baseline ng mga estudyante para sa school year 2025-2026 dahil hindi pa kompleto ang bilang ng mga nag-enroll dalawang araw bago ang pasukan.
Ayon kay Schools Division Superintendent Dr. Cherry S. Ramos, nasa mahigit 1,000 mag-aaral pa ang kasalukuyang tine-trace ng mga paaralan, kabilang ang mula sa karatig bayan.
Hindi pa matiyak kung ang mga hindi nag-enroll ay lilipat ng paaralan o hindi na mag-aaral.
Isa sa posibleng dahilan ng mababang turnout ay ang requirement na pisikal na magpa-enroll, imbes na online registration.
Inaasahan pa rin ng DepEd na makakahabol ang mga estudyante sa unang linggo ng klase upang matukoy kung sapat ang kapasidad ng mga paaralan sa lungsod.
Kung ihahambing sa nakaraang school year, mas marami ngayon ang hindi pa nakakapagpatala, kaya patuloy ang pagsisikap ng DepEd upang malaman ang eksaktong bilang ng mga mag-aaral.











