CAUAYAN CITY – Kinontra ng social communications director ng Diocese of Ilagan ang pahayag ng Philippine National Police (PNP) na napasok na ng mga rebeldeng grupo ang simbahan dahil sa pagrecruit nila sa mga taong simbahan.
Tugon ito ni Fr. Vener Ceperez, kura paroko ng St. Anthony de Padua Parish Church sa Reina Mercedes, Isabela at Social Communications Director ng Diocese of Ilagan sa naging pahayag ni PNP Police Community Relations Group Director Major General Benigno Durana na napasok na rin ng mga komunistang grupo hindi lamang ang ilang eskwelahan kundi maging ang simbahan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang-diin ni Fr. Ceperez na hindi mangmang ang mga kaparian para magpahikayat sa mga makakaliwang grupo.
Aniya, wala silang napag-aalaman na miyembro ng simbahan na hinimok na maging kaalyado ng mga makakaliwang grupo.
Iginit ni Fr. Ceperez na mahalagang makita na ang mga kabataan ay naghahanap ng idealismo at kung hindi mapagtutuunan ng pansin ng pamahalaan o ng kanilang mga magulang ay maaaring maging dahilan para maghanap sila ng kasagutan at mahikayat ng rebeldeng kilusan.
Binigyang-diin pa ni Fr. Ceperez na mahalaga rin ang tapat na pangangasiwa sa pamahalaan at maayos na samahan ng bawat miyembro ng pamilya maging sa mga institusyon para maiiwas ang mga kabataan sa mga hindi kanais-nais na idealismo.