CAUAYAN CITY – Itinuturing na banta sa hanay ng mga traditional Jeepney Drivers at Operators ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa Indo Pacific Forum na pag-modernize sa sektor ng transportasyon sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na maraming apektado sa pagmo-modernize ng transportasyon at unti-unti nitong binubura ang kultura ng Pilipinas.
Aniya, dapat mas pagtuunan ng pansin at paglaanan ng pondo ng pamahalaan ang train system sa bansa kung talagang gusto nilang pagandahin ang transportasyon sa Pilipinas.
Naiintindihan naman niya na layunin lang pamahalaan na maayos at mapaganda ang transportasyon sa bansa ngunit hiling nito na sana ay huwag baguhin ang tradisyonal na hitsura ng mga public transportation sa bansa.
Isa aniya sa mga tinatangkilik ng mga turista na bumibisita dito sa Pilipinas ay ang mga tricycle at jeepney kaya kung imo-modernize man aniya ito ay dapat panatilihin ang tradisyunal na hitsura nito.
Giit nito na hindi naman sila tutol sa konsepto ng PUV modernization ngunit gusto lang nilang matiyak na hindi maapektuhan ang kanilang hanapbuhay.