CAUAYAN CITY – Nagpasalamat at natuwa ang isang Overseas Filipino Worker o OFW sa inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA na pabibilisin ang pagproseso sa mga papeles ng mga mangingibang bansa.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent MJ Lopez, OFW sa Hongkong na maganda ang mga tinukoy ng pangulo na pagpapabilis sa pagproseso ng papeles na mula sa tatlong buwan ay gagawin nang tatlong linggo.
Aniya, umaabot ng tatlong buwan ang pagproseso ng kanilang papeles dahil sa dami ng mga requirements na hinihingi ng pamahalaan.
Nalaman din niya sa mga dayuhang manggagawang ibang lahi na nagtatrabaho rin sa Hongkong na madali lamang ang pagproseso ng kanilang papeles para mangibang bansa.
Mabigat din aniya sa mga galing sa lalawigan na nagnanais mangibang-bansa dahil kailangan pang magtungo sa Maynila upang iproseso ang kanilang papeles.
Tinatapos din nila ang kanilang traning sa TESDA at kailangan nilang gumastos habang sumasailalim sa pagsasanay.
Inihayag pa ni Lopez na kontento rin siya sa sinabi ng Pangulo na tutulungan ang pamilya ng mga OFW na maiiwan sa bansa.
Nabigyan sila ng pag-asa sa inihayag ng Pangulo sa kanyang SONA na matulungan sa pag-aaral ang anak ng mga OFW.
Ito ay dahil simula noong mangibang bansa siya ay wala pang natatanggap na benepisyo ang kanyang pamilya mula sa OWWA.