Binigyang-diin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kahalagahan ng pakikiisa ng publiko sa pagdiriwang ng Earth Hour bilang isang simbolikong hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalawak ng kamalayan hinggil sa climate change.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Forester Enrique Pasion, Assistant Regional Executive Director for Management Services ng DENR Region 2, sinabi nito na bagama’t tila maliit lamang ang epekto ng isang oras na pagpatay ng ilaw sa kabuuang konsumo ng kuryente, mahalaga pa rin ito bilang simbolo ng pagkakaisa at responsibilidad ng bawat isa para sa planeta.
Ayon kay Passion, nagsimula ang Earth Hour noong 2006 o 2007 sa Australia sa pangunguna ng World Wildlife Fund (WWF), at layunin nitong hikayatin ang publiko na magnilay at maging mulat sa mga isyung pangkalikasan, partikular na ang epekto ng climate change.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang isang oras na pagpatay ng ilaw ay “manageable” para sa bawat indibidwal upang pansamantalang huminto at pag-isipan ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa gitna ng nararanasang matinding init at iba pang epekto ng pagbabago ng klima.
Dagdag pa niya, bagama’t hindi obligado ang publiko na patayin ang lahat ng ilaw, hinihikayat ang lahat na patayin ang mga hindi kinakailangang ilaw bilang bahagi ng kanilang personal na commitment sa kalikasan, habang pinapanatili ang mga ilaw na mahalaga para sa seguridad at iba pang pangangailangan.
Sinabi rin ni Pasion na kung sabay-sabay na makikibahagi ang publiko, malaki ang potensyal na matipid sa enerhiya kahit sa loob lamang ng isang oras, at maaari itong maging simula ng mas pangmatagalang disiplina sa pagtitipid ng kuryente.
Samantala, ibinahagi ng DENR na may sinusunod silang sustainability plan sa Region 2 bilang bahagi ng kanilang hakbang sa pangangalaga sa kapaligiran. Kabilang dito ang pagbabawas ng paggamit ng papel sa mga opisina ng ahensya, na ayon sa kanila ay maaaring magresulta sa pagligtas ng mas maraming puno kung mababawasan ng 20 hanggang 30 porsyento ang konsumo nito.Panawagan ng DENR sa publiko ang patuloy na pakikiisa sa mga ganitong inisyatibo, hindi lamang tuwing Earth Hour kundi sa araw-araw na gawain, upang makatulong sa pangangalaga sa kalikasan at masiguro ang mas maayos na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.











