--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinayuhan ng isang nutritionist at dietitian ang publiko na laging uminom ng tubig ngayong mainit ang panahon upang maiwasan ang dehydration at heat stroke.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Health Education and Promotion Officer III Veronica Angel Subido ng Cagayan Valley Medical Center, registered Nutritionist at Dietitian, sinabi niya na ngayong mainit ang panahon ay kailangan ng katawan ang mas maraming tubig.

Pangunahing nangangailangan ng maraming tubig ang mga nagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw at mga mabibigat na trabaho dahil sila ang laging pinagpapawisan.

Aniya kapag hindi uminom ng sapat na tubig ay hindi malayong makaranas ng dehydration at maaring magkaroon ng komplikasyon sa iba pang sistema ng katawan.

--Ads--

Hindi rin naman aniya maaring gawing parang tubig ang mga tsaa at softdrinks maging ang kape.

Hindi ito ipinagbabawal ngunit moderate lamang ang pag-inom nito dahil inducer ang kape o tsaa ng palagiang pag-ihi at dryness ng balat.

Lagi ring kumain ng gulay at hydrating fruits o mga prutas na maliban sa mayaman sa bitamina at minerals ay may mataas ding content ng tubig o electrolytes na kailangan ng katawan.

Pinayuhan niya ang publiko na uminom ng aabot sa walong baso ng tubig o higit pa upang makaiwas sa heat stroke at dehydration.

Huwag na aniyang hintayin na sobrang dehydrated na saka lamang iinom dahil may negatibo rin itong epekto sa katawan.

Kapag nasa labas ng bahay ay magdala ng tumbler na lalagyan ng tubig upang may maiinom.

Nakakatulong ang alarm sa cellphone bilang hudyat na kailangan nang uminom at upang hindi ito makaligtaan.