--Ads--

 Iginiit ng isang eksperto sa Security and Military Diplomacy na mas nararapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang pagpapalakas ng kakayahang militar ng bansa kaysa makisangkot sa politikal na bangayan.

Ito ay kaugnay ng mga naganap na palitan ng maiinit na pahayag sa pagitan ng mga senador at ng Chinese Embassy, partikular sa paggamit ni PCG Spokesperson Jay Tarriela ng caricature ng mukha ni Chinese President Xi Jinping, at ang tinaguriang word war sa Senado at Kamara.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Chester Cabalza, sinabi niyang mas makabubuti para sa Pilipinas na palakasin ang sariling kakayahan upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga bansang nagtatangkang agawin ang teritoryo nito.

Ayon kay Cabalza, hindi dapat umasa ang bansa sa mga kaalyadong estado bilang pangunahing tagapagtanggol. Mas mainam na gastusin ang pondo sa pagpapalakas ng sariling military capability upang matiyak na mapapangalagaan ang soberanya ng bansa.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi rin lubos na epektibo ang tulong ng ibang bansa sa pagtatanggol sa inaangking teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kaya mas makabubuti ang gumawa ng sariling hakbang para palakasin ang pwersa ng bansa.

Binigyang-diin din ni Cabalza na patuloy na nagbabago ang pandaigdigang sitwasyon, kaya kinakailangang makasabay at mag-adapt ang Pilipinas sa mga pagbabagong ito.

Bagaman may mga palitan ng pahayag sa Senado at Kamara, sinabi niya na maituturing lamang itong simbolikong pagpapahayag ng opinyon. Hindi ito dapat ipalit sa aktwal na pagpapalakas ng kakayahang militar ng bansa, na siyang tunay na susi sa pagtatanggol ng soberanya na sumusunod pa rin sa International Law.