CAUAYAN CITY – Hinigpitan pa ng Palanan Airport Police ang mga ipinapatupad na health protocols upang mapanatili na zero COVID-19 positive ang coastal town ng Palanan, Isabela habang nakasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Eduard Caballero, hepe ng Palanan Police Airport na mahigit ang monitoring nila sa mga dumarating sa kanilang bayan.
Tinitiyak nila ang pagsunod sa social distancing, tamang pagsusuot ng face mask at dumadaan sa hand sanitation at foot bath ang mga pasaherong dumarating sa paliparan.
Ang mga taga-Palanan na nasa mainland Isabela na uuwi sa Palanan ay kailangang kumuha ng Balik Palanan Form, barangay certification na galing sa kanilang pinagmulang barangay na nagsasaad na hindi sila kabilang sa Person Under Investigation (PUI) at Person Under Monitoring (PUM).
Sinabi pa ni Lt. Caballero na kailangan ang RT-PCR negative result kapag galing sa high risk area o mataas ang kaso ng COVID-19.
Sa mga Non-APOR ay kailangang magpakita ng valid ID at travel Authority.
Kapag nakitaan din ng sintomas ng virus ang isang pasahero ay agad nilang ipapabatid sa Rural Health Unit (RHU) upang ma-isolate.
Samantala, subsidized ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pamasahe sa eroplano ng mga taga-Palanan, Isabela.
Nadagdagan din ang eroplano na bumibiyahe patungon sa nasabing coastal town.
Sinabi ni Lt. Caballero na ang binabayaran lamang ng mga taga-Palanan na pasahe sa eroplano ay 1,000 mula sa 1,600 pesos na pasahe ng bawat pasahero.












