Pormal na binuksan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ika-65 na Palarong Pambansa sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium sa Laoag City, Ilocos Norte.
May temang “Nagkakaisang Kapuluan”, layunin ng taunang pambansang multi-sport na paligsahan na itaguyod ang Physical Education, tuklasin ang mga bagong talento sa palakasan, palalimin ang pagkakaibigan at pambansang pagmamalaki sa hanay ng mga mag-aaral na atleta mula sa iba’t ibang dako ng bansa.
Sa taong ito, tampok sa Palaro ang 24 na regular na sports kabilang ang atletiks, basketball, volleyball, gymnastics, taekwondo, at swimming.
Ipinapakilala rin ang weightlifting bilang isang demonstration sport, habang ang kickboxing, girls’ football, at girls’ futsal ay gaganapin bilang mga exhibition events.
Bukod dito, may special category rin para sa mga atletang may kapansanan, na tampok sa mga larong para-athletics, para-swimming, bocce, at goalball.
Tinatayang 15,000 delegado mula sa 20 athletic associations ang kabilang kasama 18 rehiyon ng Pilipinas, National Academy of Sports, at Philippine Overseas Schools ang lalahok sa isang linggong paligsahan mula Mayo 24 hanggang 31.
Muling ginaganap ang Palarong Pambansa sa Ilocos Norte matapos ang mahigit limang dekada, noong 1968 sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Ang opisyal na logo ng Palaro ay nagbibigay-pugay sa makasaysayang pagbabalik sa lalawigan, gamit ang disenyo na hango sa inabel at may estilong imahe ni Teófilo Yldefonso, ang tinaguriang “Ilocano Shark” at kauna-unahang Olympic medalist ng Pilipinas na ipinanganak sa Piddig, Ilocos Norte.









