--Ads--

Binatikos ng Malacañang si defense counsel Nicholas Kaufman matapos nitong idawit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang opening statement sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero 23.

Sa isang panayam, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang kinalaman si Marcos sa kasong crimes against humanity na isinampa laban kay Duterte, at iginiit na naihain na ang reklamo sa ICC noong 2017, panahong isa pa lamang pribadong mamamayan ang kasalukuyang pangulo.

Ayon kay Castro, kung may pananagutan si Duterte sa ICC, ito ay dahil siya umano ang itinuturong “mastermind” at arkitekto ng madugong kampanya kontra droga na iniuugnay sa extrajudicial killings. Aniya, hindi dapat ihaluan ng pulitika ang depensa at sa halip ay tutukan ng abogado ang pagtatanggol sa kanyang kliyente.

Binanggit din ni Castro na maging si Atty. Silvestre Bello III, isa sa mga abogado ni Duterte na nasa The Hague, ay umamin umano sa isang panayam na may pinatay ang dating pangulo, kabilang ang insidenteng itinulak o inihagis ang isang tao mula sa helicopter.

--Ads--

Idinagdag pa niya na maging si Benjamin Magalong ay nagsabing nagkaroon ng negatibong epekto ang extrajudicial killings, dahil hindi lamang umano mga drug suspect ang nadamay kundi maging mga karibal sa pulitika.

Sa kanyang opening statement, inakusahan ni Atty. Kaufman si Pangulong Marcos na umano’y nais i-neutralize si Duterte at ang kanyang legasiya, at nilabag ang pangakong hindi makikipagtulungan sa ICC. Iginiit din ng abogado na mayroon siyang transcript ng isang umano’y pag-uusap kung saan ipinagmamalaki na ang Pangulo ay nagfa-funnel ng mga testigo sa ICC.

Mariing itinanggi ito ni Castro at pinabulaanan din ang alegasyong “dinukot” si Duterte, na aniya’y isinuko alinsunod sa Republic Act 9851 na nagpapahintulot sa pagsuko ng mga Pilipinong nahaharap sa kaso sa international tribunals.

Binigyang-diin ng Palasyo na sa halip na isangkot ang pulitika, dapat umanong maglatag ng malinaw na depensa ang kampo ni Duterte, dahil hindi naman nito tahasang itinanggi ang mga alegasyon ng pagpatay laban sa dating pangulo.