Nagbabala ang Malakanyang na hindi gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pachill-chill lang ang mga lokal na opisyal sa kanilang tungkulin lalo na sa panahon ng sakuna.
Inihayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing na ayaw ng pangulo na ang mga liderato ay chill-chill lang. Dapat aniya ang trabaho ay para sa taumbayan umaasa sa gobyerno, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Dagdag pa niya na hindi pwede na chill-chill lang palagi. Dapat mag trabaho at hindi mag bakasyon.
Inihayag ito ni Castro matapos na mapaulat na iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang local chief executives na umalis ng bansa sa kabila ng direktiba na manatili sa kanilang lugar bunsod na rin ng banta ng bagyong Uwan.
Tinukoy ng Malakanyang ang naging pahayag ni Isabela Gov. Rodolfo Albano nang tanungin ukol sa super typhoon na hahagupit sa Isabela.
Tutol si Castro sa ganitong approach, binigyang diin na ang mga lokal na opisyal ay dapat na ‘act responsibly’ at ‘not take an easy or casual approach during imminent disasters.’
Samantala, ipinaubaya na ng Malakanyang sa DILG ang pagdetermina kung nilabag ng mga local executive ang direktiba ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nag-uutos sa lahat ng elective at appointive officials na kanselahin ang kanilang foreign travel mula November 9 hanggang 15.











