--Ads--

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng 300 dagdag na palay processing centers sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong taon upang mapalakas ang mga post-harvest facility, mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka, at masiguro ang sapat na suplay ng bigas.

Ito ay matapos inspeksyunin ng Pangulo ang bagong Rice Processing System (RPS) sa Hamtic, Antique.

Ayon sa Pangulo, umabot na sa 152 ang naipatayo ng kanyang administrasyon na palay processing facilities at inaasahang madaragdagan pa ang mga ito sa mga darating na buwan.

Layunin ng mga pasilidad na wakasan ang delikadong pagpapatuyo ng palay sa mga lansangan at mapangalagaan ang ani ng mga magsasaka laban sa pinsala at pagkalugi.

--Ads--

Kasabay nito, patuloy ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pamamahagi ng makinarya, farm inputs, at crop insurance upang masuportahan ang mga magsasaka sa pagharap sa mga kalamidad at iba pang hamon sa produksyon.

Para naman sa sektor ng pangisdaan, maglalaan ang Department of Agriculture ng mga bangkang de-motor at iba pang kagamitang pangkabuhayan upang mapalakas ang kita ng mga mangingisda.

Bukod sa inspeksyon sa RPS, pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng tulong at suportang nagkakahalaga ng bilyong piso para sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Antique.