CAUAYAN CITY – Binalaan ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang mga mamamayan sa modus ng mga kawatan ng palit pera.
Ito ay dahil patuloy pang sinisiyasat ng pulisya ang pagkakabiktima ni Roger Cahas, 22 anyos,cashier ng isang fastfood chain sa barangay San Fermin, Cauayan City at residente ng Salinungan West, San Mateo, Isabela.
Sa paglalahad ng biktima sa himpilan ng pulisya,habang nasa kanyang trabaho ay nag-order ng pagkain ang isang lalaking may mahaba ang buhok, at nakasuot kulay blue na T-shirt.
Nagkakahalaga ng P/62.00 ang inorder na pagkain at nagbayad ng P/1,000 ngunit kanyang binawi dahil sa masyado umanong malaki ang pera na ibinalik naman ng biktima.
Makaraan ang ilang sandali ay nagreklamo ang lalaki at sinabi P100.00 lamang ang ibinalik ng kahero at dahil sa dami ng customer ay napilitang kinuha ang nasabing pera at pinalitan ng P/1,000.00.
Matapos nito ay bigla na lamang umalis ang lalaki at hindi na kinuha ang order kayat naghinala ang biktima.
Nang kanyang suriin ang napagbentahan ay natuklasang nabiktima siya ng palit pera.
Dahil dito nagpaalala ang PNP Cauayan City sa mga establisyemento pangunahin na ang mga nagtitinda na maging mapagmatyag upang hindi mabiktima ng mga suspek.




