--Ads--

Ilan sa nakikita ng isang economic think tank na irarason ng pamahalaan sa paghina ng piso kontra dolyar ang pagkapanalo ni Donald Trump, geopolitical risk sa Russia at Ukraine maging ang pagbaba ng interest rate sa Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na sa pagbaba ng interest rate sa bansa ay bumaba rin ang bilang ng mga portfolio investors na namumuhunan sa Pilipinas dahil kaakibat ng mababang interest rate ang pagbaba ng piso.

Ayon kay Ginoong Africa mga panandaliang rason lamang ito at ang tunay na rason ay ang tuluy-tuloy na kawalan ng kita sa pag-export at ang lakas paggawa sa bansa ay hindi kayang punan ang pangangailangan dahil sa mataas na bilihin.

Tumataas din ang pangangailangan sa pag-import na nagiging dahilan kaya dumidipende tayo sa dolyar.

--Ads--

Hindi naman aniya sila pabor sa pagtaas ng interest rate bilang solusyon dahil ito ay panandaliang solusyon lamang at ang magandang gawin ng pamahalaan ay bigyang pansin ang pag-unlad ng agrikultura at mga lokal na industriya sa bansa upang hindi tayo umasa sa importasyon.

Hindi na rin dapat umasa ang bansa sa pag-export ng mga manggagawa tulad ng mga OFWs para may kita ang bansa.

Magtakda rin ng capital control sa mga portfolio investors na maglabas ng pera at pagtuunan ang mga Inflation-Resistant Investments upang hindi bumaba ang halaga ng piso.