Mamadaliin nang ipatayo ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang temporary na tulay sa Sipat St., Brgy District 3 na magsisilbing pansamantalang daanan upang maisagawa ang pagkukumpuni sa orihinal na Sipat Bridge na kumokonekta sa West Tabacal Region at Poblacion.
Matatandaan na nitong Setyembre ngayong taon, bumigay ang kalahating bahagi ng approach ng tulay na agad namang inayos ng Engineering Office.
Matapos mairehabilitate ang nasirang bahagi sa District 3, nabutasan naman ang approach sa bahagi ng Barangay Labinab.
Ayon sa pahayag ni Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr., naaantala ang pagkukumpuni sa tulay dahil sa mataas na lebel ng tubig, dahilan upang hindi mailagay ang mga sheet piles o barrier na kinakailangan sa konstruksyon.
Dahil nabutas na rin ang kabilang approach, sinabi ng alkalde na kinakailangan nang gumamit ng artificial o temporary bridge upang hindi maapektuhan ang mga residente ng West Tabacal Region.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na rin siya sa Engineering Office upang matukoy ang mga kailangang gawin sa tulay at upang mapabilis ang paggawa ng artificial bridge.
Ang artificial bridge ay gawa sa matitibay na bakal, at tiniyak ng alkalde na mananatiling ligtas para sa mga motoristang tatawid dito.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang pagbaba ng antas ng tubig upang agad na maipagpatuloy ang pagkukumpuni sa tulay.
Nangako naman ang City Engineering Office na kanilang bibilisan ang pagba-backfill sa nabutasang bahagi ng approach kapag humupa na ang tubig.











