--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaigting pa lalo sa bayan ng Naguilian ang kampanya kontra droga matapos umanong  magsulputan muli ang mga gumagamit at nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Juan “Chu” Capuchino ng Naguilian Isabela, sinabi niya na taong 2023 ay wala pa silang namo-monitor na sangkot sa iligal na aktibidad.

Ngayong 2024 ay bigla na lamang umanong dumami ang krimen dahil sa kagagawan umano ng mga drug addicts.

ito ang dahilan kung bakit mas tumindi ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.

--Ads--

Ayon sa Alkalde, may P15,000 kada linggo na allowance ang otoridad na maaari nilang gamitin sa load, pagkain, at gasolina para makasiguro lamang umano na mahuli ang mga gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga.

Nilagyan na rin umano ng CCTV ang mga tapat ng bahay ng mga dating drug surrenderee o ang mga dating na tokhang.

Ang mga kawani ng LGU maging ang mga barangay officials ay sumailalim sa drug testing at personal umanong binantayan ng alkalde ang test upang matiyak na walang dayaan ang magaganap.

Wala naman aniyang nagpositibo kaya kampante ang Alkalde na sumusunod sa tungkulin ang mga kawani.

Kaugnay nito hinikayat niya ang mga residente sa Naguilian na agad ipabatid sa mga kapulisan kung may kilalang sangkot sa iligal na aktibidad upang hindi na aniya madamay ang mga inosenteng tao sa krimen na maaaring magawa ng mga drug pusher at user.