--Ads--

Inihayag ng punong barangay ng San Luis Cauayan City na kasalukuyan na ang pangangalap nila ng tulong na ibibigay sa pamilyang nasira ang bahay matapos maapektuhan sa pananalasa ng buhawi.

Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Raymond Calimag ng San Luis Cauayan City, tanging ang bahay lamang nina Rojonalyn Bagara Bigornia ang tinamaan ng buhawi dahil ang mga kapitbahay nila ay wala namang nasira o naapektuhan.

Aniya nasa gilid ng kalsada ang bahay ng pamilya at may mga katabi rin itong kabahayan kaya hinala ay buhawi ang nanalasa rito.

Natanggal ang bubong ng bahay dahil sa lakas ng hanging dala ng buhawi kaya nangangalap na sila ngayon ng tulong para sa pagpapagawa ng nasirang bahay ng mga biktima.

--Ads--

Makikipag-ugnayan naman aniya sila sa Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan maging sa DSWD para sa maaring ibigay nilang tulong sa pamilya.

Sa ngayon ay nagbayanihan na lamang ang mga kapitbahay ng nasabing pamilya upang malinis ang lugar at maibalik ang nailipad na bubong pangunahin na ang ilang mga yero para may pansamantalang masilungan ang pamilya.

Ayon kay Kapitan Calimag, ito ang unang pagkakataon na may masirang isang bahay dahil sa malakas na hanging dala ng buhawi sa kanilang barangay dahil ang laging sumisira sa kanilang mga bahay ay mga dumadaang bagyo.