--Ads--

Nagpaliwanag ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan sa reklamo ng ilang residente sa West Tabacal Region sa mabilis na pagkasira ng mga kagagawang kalsada sa lugar.

Inihayag ni Sanguniang Panlunsod Member Edgardo “Egay” Atienza Jr. na walang katotohanan ang ilang impormasyon na inabot lamang ng higit isang taon o hanggang dalawang taon ang mga kalsada sa West Tabacal Region at nasirang muli.

Paglilinaw niya na ilang portion lamang naman ng kalsada ang naisaayos noon na tumagal ng tatlong taon.

Ilan sa mga nakikitang dahilan sa mabilis na pagkasira ng daan ay ang lupa at madalas na pagbaha sa lugar tuwing malakas ang pag-ulan dahil sa mahinang drainage system.

--Ads--

Maliban pa sa mga malalaking truck na senyales ng pagiging progresibo ng lugar.

Sa ngayon ay gumagawa na ng hakbang ang Pamahalaang Lokal para sa pangangalap ng pondo na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga kalsada sa West Tabacal Region.

Makakaasa aniya ang mga residente sa aksyong gagawin ng mga opisyal at mga kaukulang ahensiya para matugunan ang problema at maliban sa kalsada ay plano na ring maisaayos ngayong taon ang approach ng Sipat Bridge na siyang nagdudugtong sa Poblacion at Barangay Labinab.