Bukas ang Pamahalaang Lalawigan ng Isabela sa gagawing imbestigasyon ng Pamahalaan para malaman ang dahilan sa pagbagsak ng Sta. Maria-Cabagan bridge.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodito Albano, sinabi niya na nararapat lamang na magsagawa ng imbestigasyon para lumabas ang katotohanan at matukoy mga naging pagkukulang na nagresulta sa pagguho ng isang span ng tulay hindi para hanapin kung sino ang sisisihin.
Ito ay may kaugnayan sa pahayag ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na magkakaroon ng imbestigasyon kaugnay sa insidente sa Sta. Maria-Cabagan bridge para sagutin ang mga katanungan partikular kung bakit ganun na lamang karupok ang tulay.
Ayon kay Governor Albano na madali lamang manisi ng tao o magturuan gayunman mas mahalagang malaman ang katotohanan hindi para husgahan kung sino ang makasalanan.
Lahat naman aniya ay naging bahagi ng naturang proyekto na ginawa at binuo sa loob ng mahabang panahon at ngayon na nagkaroon ng aberya ay saka maghahanap ng masisisi, giit niya na wala namang may gusto ng pangyayari at mapalad na lamang aniya na walang nasawi gayunman may ilang mga nasaktan sa aksidente.
Congressman pa lamang aniya siya ng isulong ang construction ng mga tulay sa Isabela kabilang dito ang Sta. Maria-Cabagan Bridge kaya ang marapat na gawin ay balikan ang nakaraan kung paanong nasimulan ang proyekto, kailangan maipaliwanag ang disensyo, mga ginamit na materyales na inaasahang lalabas sa gagawing imbestigasyon subalit hanggat wala pa ay kailangan munang kumalma at huwag na magturuan.
Wala namang naging komento ang Gobernador sa ilang agam-agam na may naganap na korapsyon sa proyekto na nagresulta para hindi ito magawa ng tama, subalit nilinaw niya na kung may korapsyon man ay dapat itong patunayan dahil kawawa ang mga maliliit na taong nadadamay.
Anuman aniya ang reaksyon ng publiko ay iginagalang niya ito dahil may karapatan naman ang bawat isa sa sariling opinyon.
Samanatala, pinag-aaralan na ng Pamahalaan Panlalawigan maging ng DPWH Region 2 para sa compensation o tulong sa lahat ng nasugatang biktima.