--Ads--

CAUAYAN CITY- Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ang Gobernador ng Isabela upang maparami ang palay procurement sa lalawigan.

Ito ay matapos mapag-alaman na ang Rehiyong Dos ang may pinakamababang presyo ng palay na aabot lamang ng P14.23 batay sa datos ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niya na hindi kakayanin ng pamahalaang lokal na bilhin ang lahat ng ani ng mga magsasakang Isabeleño kaya kinakailangan nila ng tulong ng national government.

Aniya, mas mataas ng apat hanggang limang piso ang bili nila ng palay kung ikukumpara sa mga private traders subalit limitado lamang ang kaya nilang bilhin dahil na rin sa kakulangan ng pondo.

--Ads--

Dito rin aniya nanggagaling ang ipinapamahagi nilang libreng bigas sa iba’t ibang sektor sa lalawigan.

Umaasa naman siya na hanggang sa susunod na taon ang implementasyon ng import ban sa bigas upang hindi maging labis ang suplay nito sa bansa na lubhang nakaaapekto sa mga lokal na magsasaka.