CAUAYAN CITY – Magbibigay ng financial assistance ang pamahalaang panlalawigan sa pamilya ng mga nasawing sakay ng Cessna plane na bumagsak sa Ditarum, Divilacan, Isabela noong January 24, 2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Rodito Albano na bibigyan nila ng tulong ang pamilya ng mga biktima hanggang sa sila ay mailibing.
Ang mga bangkay ay dadalhin sa isang punerarya sa Lunsod ng Cauayan at lahat ng gagastusin sa pagsasaayos sa mga labi ay sasagutin na ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Samantala, tiniyak ni Governor Albano na sapat ang mga kasapi ng retrieval team para maibaba ang bangkay ng mga biktima sa bundok sa Ditarum, Divilacan, Isabela.
Nagpasalamat siya sa mga rescue teams at mga kasapi ng Incident managament Team (IMT) na matiyagang tumutok na nagsakripisyo para mahanap ang nawalang cessna plane na umabot sa 42 na araw.
Sinabi pa ni Governor Albano na pag-aaralan pa nila ang maaring ibigay ng insentibo s sa mga rescue team na nagsakripisy upang matagpuan ang eroplano.
Samantala, bago galawin ang wreckage ng eroplano ay hintayin munang matapos ang pagsisiyasat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang malaman ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano.