--Ads--

Naghahanda na ang Lalawigan ng Isabela para sa Bambanti Festival 2026, na nakatakdang ganapin mula January 18 hanggang 24, 2026.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Joanne Maranan sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, maraming makabuluhang aktibidad ang ihahandog para sa mga lokal at dayuhang turista.

Uumpisahan ang festival sa pamamagitan ng Thanksgiving Mass sa unang araw, kasunod ang pagbubukas ng Agri-Tourism booths at pagpapakita ng mga scarecrows mula sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan sa Bambanti Village. Magkakaroon din ng fun run sa parehong araw, at sa unang pagkakataon, isasama rin ang cycling event para sa mga mahilig sa bisikleta.

Sa January 21 naman ay gaganapin ang Queen Isabela pageant, habang posibleng maganap ang Giant Pansit Cabagan, isa sa mga tampok na food event ng lalawigan. Sumunod ang Makan ken Mainum sa January 22, Streetdance Showdown sa January 23, at Grand Concert sa huling araw ng festival, January 24. Patuloy naman ang Music Festival sa buong linggo ng Bambanti Festival.

--Ads--

Ihiwalay naman ang araw ng presentation ng Festival King and Queen attire at Queen Isabela attire, na hindi kabilang sa Queen Isabela pageant. Dagdag pa rito, may plano rin ang pamahalaang panlalawigan na magsagawa ng motocross at car events sa January 23-24.

Ayon kay Maranan, ang pinal na iskedyul ng lahat ng aktibidad ay ilalabas ng Provincial Tourism bago magsimula ang 2026. Samantala, ngayong araw ay ipakikilala na rin ang mga kandidata para sa Miss Isabela 2026, isa sa mga pinakahihintay na highlight ng festival.

Ang Bambanti Festival, na kilala sa makukulay nitong scarecrows at pagdiriwang ng agrikultura, ay inaasahang magdadala ng mas mataas na turismo at kabuhayan sa lalawigan sa darating na taon.