--Ads--

Mamadaliin ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang pagbawi sa  pamamahala sa pamilihan mula sa Primark upang agad na maaksyunan ang mga problemang nararanasan dito pangunahin na ang pagbaha.

Ito ay matapos muling bahain kahapon ang pribadong pamilihan dahil sa pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlungsod Member Paulo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niya na kapag na-turn over na ng naturang kumpanya ang pamamahala sa pamilihan ay agad nilang pagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos sa mga drainage canals upang maiwasan ang pagbaha.

Inaasahan aniyang palalawakin ang mga drainage canal ng pamilihan upang hindi na bahain ang naturang pamilihan.

--Ads--

Sa kanilang pagbisita sa private market ay kapansin-pansin aniya na hindi na dinadaluyan ng tubig ang kanal dahil na rin sa barado o hindi nalilinisan ng maayos.

Nakaaapekto kasi ito sa kabuhayan ng mga nagtitinda sa loob dahil wala nang mga mamimili ang nagtutungo sa palengke kapag baha.

Binigyang diin naman niya na ang pagsasaayos sa public market ay collaborative effort kaya kinakailangan ding panatilihin ng mga vendors ang kalinisan sa pamilihan.

Ayon sa konsehal, tatlumpong araw ang ibinigay na palugit sa pribadong pamilihan upang maiturn over sa Local Government Unit ang pamamahala sa nasabing pamilihan.

Bagama’t may nakatakda pang pag-uusap sa pagitan ng Pribadong Pamilihan at lokal na pamahaalan ay tiniyak naman niyang pinal ang kanilang desisyong bawian ng prangkisa ang pribadong pamilihan.

Samantala, pinag-uusapan na ngayon sa konseho ang pagsasaayos ng market code ng lungsod na susundin ng mga vendors at mamimili.

Aniya, luma na ang kasalukuyang market code sa Cauayan City na noon pang 2012  huling naipasa.

Tiniyak naman niya na mas maliit pa rin ang babayaran ng mga stall owners sakaling maipasa na ito.