
CAUAYAN CITY – Kinondena ni Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang naganap na pamamaril sa Ateneo de Manila University (ADMU) na nagbunga ng pagkasawi ng tatlong tao kabilang si dating Mayor Rose Furigay ng Lamitan, Basilan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Atty Cayosa na nalulungkot siya at nakikiramay sa sa pamilya ng mga biktima sa nangyaring karahasan.
Inilarawan niyang ‘very ironic’ ang nangyaring pamamaril dahil mga abogado ang magtatapos at Supreme Court chief justice ang guest speaker, nagpapatakbo ng hustisya at rule of law ngunit nangyari ang patayan.
Maganda aniya na naging mabilis ang mga otoridad at agad naaresto ang suspek na si Dr. Chao-Tiao Yumol, 32 anyos at residente ng Lamitan, Basilan.
Maganda aniya kung malaman ang motibo o rason ng pamamaril para hindi na ito maulit.
Ayon kay Atty. Cayosa ang paglalagay ng isang citizen sa sariling kamay ang batas ay may reflection sa kalagayan ng sistema ng katarungan sa bansa.
Kung ang justice system aniya ay maayos, pantay at mabilis ay idinadaan sa korte ang hindi maareglo na alitan.
Ang tingin ng iba ay hindi maayos kung idadaan sa korte ang kaso dahil may palakasan, impluwensiyahan at pagkaantala ng katarungan kaya inilalagay sa kamay ang pagkamit ng hustisya.
Ayon kay Atty.Cayosa, kinokondena nila ang pamamaril at panahon na upang ang mga abogado ay magkaroon ng reflection sa justice system para maisulong ang Justice Bilis at Hindi Justice Tiis, Justice Bilis at Hindi Justice Bili.
Ito ay para maiwasan ang karahasan kapag inilagay ng biktima ng inhustisya ang batas sa kanyang kamay.
Painful lesson aniya sa sistema ng katarungan ang nangyaring pamamaril sa Ateneo de Manila University at hindi na dapat maulit.




