
CAUAYAN CITY – Mayroon ng tinitignang mga anggulo ang Special Investigation Task Group na tumututok sa naganap na pamamaril sa isang kasalan sa Sitio Flaviano, Dalena, San Pablo, Isabela.
Matatandaang nasawi sa naturang pamamaril ang isang Brgy. Kagawad at nasugatan ang pitong iba pa kabilang ang isang Barangay Kapitan.
Ang naturang okasyon ay kasal ni PCpl. Bryan Pattalitan na nakatalaga sa intelligence office ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Ramil Saculles, Deputy Regional Director for Operation ng Police Regional Office 2 (PRO2) at supervising officer ng binuong special investigation task group na posibleng ang puntirya talaga sa naturang pamamaril ay ang nasugatang kapitan na si Punong Barangay Brixsio Gammaru at nadamay lamang ang namatay na biktima na si Brgy. Kagawad Girliy Telan na kanyang kasayaw nang siya ay barilin.
Unang tinitingnang anggulo rito ay maaring may kinalaman sa dalawang naunang pagtatangka sa buhay ni Punong Barangay Gammaru.
Pangalawang ikinukunsiderang motibo ay maaring nagkaroon ng alitan dahil napag-alaman sa isinasagawa nilang pagsisiyasat na sa pagsisimula ng selebrasyon ay may nakakita sa gunman na nakainom at lumapit pa umano sa mga kasamahan ni kapitan.
Pangatlo ay maaring may pagseselos habang sumasayaw ang mga biktima lalo na at babae ang namatay na biktima.
Ayon pa kay PCol. Saculles, ang suspek ay nakilalang si Marcelo Constantino Reyes, 23-anyos, laborer at residente ng Allacapan, Cagayan.
Namatay din ito sa naturang araw at narekober ang bangkay nito sa layong 70-80 meters mula sa sayawan at nakuha ang 7 basyo ng cal. 9mm malapit sa katawan nito.
Narekober naman sa dance floor ang 5 basyo ng cal. 45.
Ayon kay PCol. Saculles, cal. 45 pistol ang baril ng pinaghihinalaan na nawawala hanggang sa ngayon kaya inaalam na rin nila kung sino ang bumaril sa suspek.
Isinailalim na rin sa ballistic examination ang mga baril ng mga pulis na dumalo sa kasal.
Napag-alaman din nila na sangkot ang suspek sa pamamaril sa isang retiradong sundalo noong January 13, 2022 at ito ang tinitingnang anggulo kung bakit siya nakarating sa Isabela.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagsisiyasat sa naturang insidente.










