CAUAYAN CITY – Ikinalungkot ng NIA-MARIIS ang pamamaril patay ng isang retiradong pulis sa isang magsasaka sa Barangay Nabbuan, Santiago City dahil sa agawan sa patubig.
Ayon kasi sa imbestigasyon ng pulisya, nag-ugat ang pamamaril dahil sa agawan sa patubig ng biktima at suspek.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Jaime Ladiao, Manager ng NIA-MARIIS Division I sinabi niya na maaring nagalit o nainis ang suspek na si Danilo Bungab, isang retiradong pulis nang inagaw ng patubig kaya niya nabaril ang biktimang si Sonny Julian Sr.
Aniya nakakalungkot ang pangyayari na dahil lamang sa patubig ay nagkakaroon ng alitan ang mga magsasaka ngunit kanyang iginiit na sapat naman ang kanilang patubig sa nasabing lugar at may sistema rin sa paggamit ng mga magsasaka sa irigasyon.
Patuloy naman nilang pinapalakas ang ugnayan nila sa mga magsasaka bagamat mas mababa ang naiprogram na mapapatubigan o service area dahil sa epekto ng dry spell.
Tiniyak niya na patuloy nilang imomoitor ang sistema sa patubig upang maiwasan na ang mga alitan ng mga magsasaka dahil sa patubig.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magsasaka na magbigayan dahil lahat naman ng kasama sa service area ay mapapatubigan basta masusunod ang sistema sa paggamit ng irigasyon.