CAUAYAN CITY – Kinoronahan bilang Miss Humanity International 2023 Grand Winner ang pambato ng bansa na tubong lalawigan ng Quirino na si Krizha Lovell Manaois.
Idinaos ang nasabing patimpalak pagandahan sa Ho Chi Minh City, Vietnam noong ikatalumpo ng Hunyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Miss Manaois sinabi niya na nakakataba ng puso na mairepresenta ang gandang Pilipinas sa nasabing pageant.
Bahagya naman siyang nahirapan dahil hindi marunong sa english ang ibang Vietnamese kung saan kinailangan pa niyang gumamit ng google translate upang makipag usap sa kanila.
Aniya bata pa lamang siya lagi na siyang sumasali sa mga beauty contest kung saan siya ay kinoronahan din bilang Binibining Quirino.
Kinoronahan din siya bilang Eco-Tourism Advocate Philippines 2022.
Si Bb. Manaois ay kasalukuyan ding bahagi ng 204th Quirino Community Defense Center, 2RCDG, RCPA at kumukuha ng kursong Civil Engineering sa Quirino State University.
Inihayag naman niya na malaki ang pinagkaiba ng beauty pageant sa Vietnam kumpara sa ibang beauty pageant dahil walang ibang awards kundi iisa lamang.
Kahit may partner siya ay maituturing pa ring kalaban niya ito sa awarding.
Pinasalamatan naman ni Bb. Manaois ang mga tumulong sa kanyang pagsali sa kompetisyon tulad ng kanyang pamilya, lokal na pamahalaan na todo ang suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansyal na kanyang nagamit sa patimpalak pagandahan.