Kinoronahan bilang Queen Isabela 2026 ang pambato ng Bayan ng Tumauini na si Prima Joy Alamban.
Sa tatlumpu’t isang kandidata na nagtagisan ng ganda at talino mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Lalawigan ng Isabela ay namukod-tangi si Alamban dahil sa ipinamalas nitong husay sa iba’t ibang kategorya ng kompetisyon — mula sa pagrampa hanggang sa pagsagot ng mga katanungan ng mga hurado sa Question and Answer Portion.
Nasungkit naman ng pambato ng Cauayan City na si Sandrine Desiree Cristobal ang Queen Isabela Tourism. Ang titulong Queen Isabela Culture and the Arts ay nakuha ng Zakaree Zea Bouffard ng Santiago City. 1st runner up naman ang bayan ng Naguilian habang 2nd runner up ang bayan ng Alicia.
Sa final question and answer portion ng kompetisyon, tinanong ang top 5 candidates ng magkakaparehong tanong na may kaugnayan sa tema ng 2026 Bambanti Festival Innovation through Tourism at kung paano nila ito susuportahan at paiigtingin kung sakali mang sila ay hirangin bilang Queen Isabela.
Ayon sa naging kasagutan ni Ms. Tumuini, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng mga bagong makinarya para sa agrikultura na malaking tulong para sa mga magsasaka. Aniya, bilang isang agricultural province ang Isabela, ang suporta para sa mga magsasaka ay makatutulong para sa magandang kinabukasan ng lalawigan na daan upang makahikayat ng mga turista.
Labis ang tuwa at pasasalamat ni Prima Joy sa pagkakasungkit nito sa titulong Queen Isabela 2026.
Akala umano niya na ito na ang magiging huling pagsabak niya sa pageantry dahil siya ay 25 years old na at ang ganitong edad ay medyo matanda na para sa beauty pageant kaya buong akala niya na hindi na siya mananalo.
Nakadalawang sali na sa National Pageant si Prima Joy — ang ‘Reyna ng Aliwan’ at ‘Hiyas ng pilipinas’ at aniya, dapat abangan ng kaniyang mga tagasuporta kung muli ba siyang sasabak sa National Pageant matapos niyang manalo sa Queen Isabela.









