CAUAYAN CITY– Dalawang gintong medalya na ang nakamit ng pambato ng Cauayan City na si Mark Justine Africano sa ginaganap na PSC Batang Pinoy Games National Championships sa Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Coach Elmer Corpuz na sobrang saya ang kanilang nararamdaman dahil ito ang una at pangalawang gintong medalya na nakuha ng koponan ng Cauayan sa larangan ng Swimming.
Si Africano na nasa grade 7 sa Cauayan City National High School ay nakapagtala ng bagong record sa 100 meters freestyle sa naitalang 1 minute and 2 seconds kumpara sa nalampasang record na 1 minute and 5 seconds.
Ang pangalawang ginto medalya ay nakuha ni Africano sa 50 meters free style.
Si Mark justine ay nanalo na rin sa iba’t ibang kompetisyon na nilahukan sa Laguna, Lunsod ng Baguio at Metro Manila ngunit unang beses ang kanyang paglahok sa national level.
Araw-araw ang naging ensayo ni Mark Justine bago lumahok sa Batang Pinoy National Championships.
Naka-focus pa rin ang binatilyo sa kanyang pag-aaral at pagkatapos ng kanyang klase ay nag-eensayo sa Cauayan City Sports complex.
Si Mark Justine ay nasa grade 4 nang unang sumabak sa training matapos ma-qualify sa CAVRAA na hindi natuloy dahil sa pandemya kaya hinimok siya ng kanyang coach na sumali sa national level.
Pangarap ng Mark Jutine na makasali sa Olympic Games habang ang pagiging doktor ang kursong nais niyang kunin sa kolehiyo.
Mahigit dalawampung medalya na ang napanalunan ng binatilyo sa kanyang paglahok sa ibat ibang torneo.
Balak niyang lumahok sa CAVRAA at Palarong pambansa sa susunod na taon.
Si Mark Justine ay panganay sa tatlong magkakapatid at naging swimmer dahil sa payo ng kanyang doktor na magkaroon ng exercise para sa kanyang baga.
Gumaling siya sa kanyang asthma matapos magkaroon ng hilig sa swimming at naging tuluy-tuloy ang kanyang ensayo at paglahok sa mga kompetisyon.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mark Justine Africano na naging inspirasyon niya ang kanyang pamilya at kanyang coach sa kanyang sports na swimming.
Bagamat kinabahan siya ng makipag-kompetensiya ay masaya siya dahil nakakuha siya ng gintong medalya.
Sinabi niya na sampong taong siya nang magka-interest sa swimming dahil palagi siyang nanonood ng swimming sa olympics at nais din niyang makasali sa Olympic Games.