CAUAYAN CITY – Nagtamo ng injury si Umajesty Williams, ang pambato ng Pilipinas sa pagtatapos ng 200 meter run open category sa ginaganap na Philippine Athletics Championships sa City of Ilagan Sports Complex.
Ilang metro bago ang finish line ay mapapansin na iika-ika na si Williams dahilan kaya’t naungusan siya ni Taha Huseein Yaseen ng Iraq, na siyang nakakuha ng gold medal samantalang silver naman ang nakamit ni Williams.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Umajesty Williams, sinabi niyang naramdaman na niya na parang nagkaroon siya ng hamstring injury sa kalagitnaan ng kanyang pagtakbo.
Aniya, bago ang laban ay nag-aalangan na din siyang tumakbo ngunit ayon sa kanya ay gusto niyang patunayan na kaya niya lalo’t ito ang unang tournament na kakatawanin niya ang Pilipinas.
Matatandaang dalawang linggo bago ang Philippine Athletics Championships ay nagtamo din ng mild injury sa achilles si Williams.
Umaasa naman siyang hindi ito makakaapekto sa kanyang susunod na sasalihang torneo sa Abril na gaganapin sa bansang Japan.
Samantala, Dinomina ng team Thailand ang 4 by 400 Meter universal relay matapos nilang makuha ang gintong medalya sa 3 minutes and 27.15 seconds, habang ang silver medal naman ay nakuha ng Tarlac Agricultural University sa oras na 3 minutes and 52.64 seconds na sinundan ng Philippine Army sa oras na 3 minutes and 53.54 seconds.
Sa pole vault men under 20, ay nakuha ni Sean Harry Narag ang gold medal, Kent John Abilay para sa silver medal at Mejen Sumbongan para sa bronze medal na pawang manlalaro ng University of Sto. Tomas.
Sa discuss throw men under 20, ay nakamit ni Nicko Atas ng LPU Cavite Junior Pirates ang gold medal, Jhay Tica ng Pangasinan para sa silver medal, at Renald Langbayan ng University of Baguio para sa Bronze.