--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinapasa-Diyos ng pamilya ng isang pulis na pinagbabaril-patay kahapon, April 12, 2020 sa bahay ng kanyang magulang sa Purok 6, Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang pinaslang ay si PLt. Oliver Tolentino, 37 anyos, may-asawa, Absent Withot Official Leave (AWOL)  at residente ng Cabaruan, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Tita Tolentino, nakatatandang kapatid ni PLt. Tolentino, sinabi niya na nagulat  sila nang makarinig ng mga  sunud-sunod na putok ng baril.

Aniya, nagkukuwentuhan sa ilalim ng  puno ng mangga sina PLt.  Tolentino, isa pa nilang kapatid at kanyang bayaw nang dumating ang mga armadong lalaki at pinagbabaril ang kanyang kapatid.

--Ads--

Ayon naman sa asawa ni Ginang Tolentino, ang alam nila ay may bisita sila subalit nagulat na lamang sila ng marinig ang mga putok ng baril.

Nakasuot aniya ng uniporme ng sundalo ang mga suspek at may takip sa kanilang mukha.

Pagkatapos ng pamamaril ay mabilis na umalis ang mga salarin gamit ang isang itim na Innova.

Nasa 17 na basyo ng bala ng baril ang nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril.

Ang tinig ng asawa ni Gng. Tita Totentino

Ayon pa kay Ginang Tolentino, dumiretso sa bahay ng kanilang magulang ang kanyang kapatid pagkalabas ng kulungan dahil sa usapin s Coronavirus Disease (COVID-19).

Wala aniyang ikinukuwento ang kapatid  dahil tahimik siya  ngunit  sa mga nagdaang araw ay tahol nang tahol ang mga aso sa kanilang paligid.

Samantala, alam na ng misis ni PLt. Tolentino na nasa Israel  ang nangyari sa kanya ngunit  hindi pa nila alam kung paano siya makakauwi dahil sa lockdown.

Naulila ni PLt. Oliver Tolentino ang kanyang tatlong anak na 1 anyos  ang bunso habang 9 anyos  ang panganay.

Nanawagan  si Ginang Tolentino sa gumawa nito sa kanyang kapatid na sana bigyan na sila ng katahimikan.

Ang pahayag ni Gng. Tita Tolentino

Samantala, ayon sa Rescue 922, tinamaan ng 9 na bala ng baril si PLt. Oliver Tolentino.

Walo ang tumamang bala sa kanyang likod habang isa sa kanyang paa.

Kasama ng biktima ang kanyang kapatid na nurse na miyembro ng Rescue 922 nang mangyari ang insidente na siyang unang nag-revive sa kanya bago dumating ang iba pang kasapi ng Rescue 922.

Dinala siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Cauayan City Police Station sa pagbaril at pagpatay kay Tolentino.

Matatandaan na siya ay sinampahan ng kaso ng Reina Mercedes Police Station matapos masangkot sa panghoholdap sa mag-asawang negosyante kasama ang dalawa pang suspek.

Sinampahan naman siya ng Cauayan City Police Station ng paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa pagbangga sa barikada nang pahintuin ang minamanehong sasakyan ni Tolentino sa checkpoint sa Tagaran, Cauayan City.