--Ads--

CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng mga naiwang kaanak ng tinaguriang Aparri 6 ang pagkahuli sa dalawang akusado sa karumal-dumal na pagpaslang sa mga ito.

Matatandaan na noong Pebrero 19, 2023 ay tinambangan ng mga nagpanggap na pulis sina Vice Mayor Romel Alameda kasama sina Alexander Agustin Delos Angeles; Alvin Dela Cruz Abel; Rommel Gerali Alameda; Abraham Dela Cruz Ramos Jr; John Duane Banag Almeda at isa pang indibiduwal sa harap ng MV Duque Elementary School sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marinella Alameda, sinabi niya na matapos mailabas ang warrant of arrest laban sa mga akusado ay inabangan na nila ang pagka-aresto sa mga ito.

Umaasa naman sila na sa mga susunod na pagkakataon ay mahuli na ang iba pang mga personalidad na sangkot sa pananambang sa Aparri 6.

--Ads--

Sa ngayon ay pinaghahandaan na nila ang mga isasagawang hearing na hudyat na sila ay nagsisimula pa lamang sa laban sa pagkamit ng hustisya.

Bagama’t naaresto na ang dalawa sa mga suspek ay hindi pa rin ito maituturing na hustisya lalo na at hindi pa natutukoy ang mastermind sa pagpaslang sa kanilang mga kaanak.

Gayunpaman ay nagpapasalamat pa rin siya sa mga kapulisan dahil nakikita umano nito na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maibigay ang hustisya sa Aparri 6.