CAUAYAN CITY – Patuloy ng mga pangangalap ng mga impormasyon at ebidensiya ng Cauayan City Police Station para matukoy ang riding-in-tandem criminal na bumaril at pumatay kahapon kay Alvin Opulencia, delivery boy ng LBC Express Inc. at residente ng Nappacu Grande, Reina Mercedes, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Col Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station sinabi niya na bagamat wala pang malinaw na motibo sa pagpatay kay Opulencia ay hindi nila isinasantabi ang anggulo na may nakaalitan ang biktima.
Posible rin umanong napag-utusan o binayaran ang gunman para patayin si Opulencia.
Ayon kay PLt Col Gamboa, mahalaga ang pakikipagtulungan ng komunidad sa pulisya sa paglutas ng mga krimen tulad ng pagpatay kay Opulencia.
Samantala, sumisigaw ng hustisya ang tiyahin at tumayong ina ni Opulencia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Melinda Lumibao, sinabi niya na pamangkin niya si Alvin at siya ang nagpalaki sa kaya labis-labis ang kanyang hinagpis sa brutal na pagpatay sa kanya.
Matatandaang matapos matumba ang motorsilo na minamaneho ng biktima nang unang paputukan ay nilapitan pa ng gunman at ilang beses na binaril sa kanyang ulo para matiyak ang kanyang pagkamatay.
Aniya nalaman niya ang nangyari kay Alvin nang tawagan siya ng kanyang kumare at ipinarating ang masamang balita.
Wala siyang alam na naging problema o nakaaway ang kanyang pamangkin at naniniwala siya na malinis ang konsensiya nito.
Sinabi ni Gng. Lumibao na mas nanaisin pa sana niyang makita na namatay dahil sa aksidente si Alvin kaysa ang kalunus-lunos na pagbaril at pagpatay sa kanya.
Anya hindi niya alam kung paano ipapaunawa sa naulilang anak ni Alvin na 3 anyos pa lamang na patay na ang kanyang ama.
Ipinagpapasa-Diyos na lamang niya ang kakahihinatnan ng punmatay sa kanyang anak-anakan.
Ayon naman kay Ginang Shirley Pilar, kumare ni Ginang Lumibao, sa pamamagitan ng Bombo Radyo Cauayan ay nalaman nila ang nangyari kay Alvin.
Aniya patungo sila sa Angadanan Isabela at nakatune-in ang kanilang sasakyan sa Bombo Radyo Cauayan nang marinig ang report hinggil sa pamamaril sa biktima.
Dahil dito ay agad tinawagan ang isa sa kanilang mga kumare na siyang nagparating kay Ginang Lumibao ng pangyayari.
Una rito ay nakausap niya ang asawa ni Opulencia sa pamamagitan ng manager nito at sinabi na sabay silang pumasok sa kanilang mga trabaho.
Ayon kay Gng Pilar, mabait, magalang at palasimba si Alvin.