
CAUAYAN CITY – Determinado na magsampa ng kaso ang pamilya ng isang binatang empleado ng hotel na nasawi sa naganap na aksidente sa barangay Napaccu Grande, Reina Marcedes noong gabi ng February 5, 2022.
Magugunitang naisugod pa sa ospital ang biktimang si Vicente Macanas, 23 anyos, B.S. in Hotel and Restaurant Management gradute at residente ng Tallungan, Reina Mercedes, Isabela matapos mahagip ng isang 10-wheeler wing van na minaneho ni Romeo Diongzon ang minamanehong tricycle.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marilyn Macanas, sinabi niya na masakit at mahirap tanggapin ang biglaang pagkawala ng kanyang ikalawang anak.
Aniya, pauwi na ang anak mula sa pinagtatrabahuang hotel sa Cauayan City nang maganap ang aksidente.
Napag-alaman lamang niya na nasangkot sa aksidente ang kanyang anak nang makatanggap ng tawag mula sa isa pa niyang anak at sinabi na dinala sa ospital ang binata.
Ayon kay Ginang Macanas, nakita pa niya na lumalaban ang kanyang anak nang ginagamot sa ospital ngunit noong linggo ng hapon ay binawian siya ng buhay.
Desidido aniya ang kanilang pamilya na magsampa ng kaso laban sa tsuper ng truck.
Ayon kay Ginang Macanas, mabait na anak si Vicente kaya mahirap sa kanila na tanggapin ang kanyang maagang pagkamatay.












