
CAUAYAN CITY – Hindi napansin ng apat na tao ang linya ng kuryente na naging sanhi ng kanilang pagka-kuryente na ikinamatay ng dalawang tao sa barangay San Isidro, Luna, Isabela.
Nasawi sina Rodrigo Ramil, 56 anyos at Anthony Agcaoili, 46 anyos habang nagtamo ng injury ang kamag-anak ni Agcaoili na sina Leinard Agcaoili, 22 anyos at Allen Rey Agcaoili, 17 anyos, pawang residente ng Lalog 2, Luna, Isaela.
Nasa ligtas nang kalagayan sa ospital ang dalawang nasugatan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romeo Agcaoili, kamag-anak ng mga biktima, sinabi niya na ililipat sana nila ang tubo at wala sa kanilang isip na may linya ng kuryente na maaring masagi.
Wala rin isa sa kanila ang tumingala sa itaas upang makita sana kung may masasaging kawad ng kuryente nang itayo nila ang tubo.
Sinabi niya na ipapahinto sana ng isa sa mga biktima ang kanilang ginagawa ngunit huli na dahil umapoy na ang kawad ng kuryente.
Sinabi ni Ginoong Romeo Agcaoili na labis ang kanilang pagdadalamhati at hindi nila inasahan ang pangyayari kaya humihingi sila ng tulong sa mga may mabubuting kalooban pangunahin na ang kanilang barangay kapitan.
Sinabi naman ni PCpt Melchor Aggabao, hepe ng Luna Police Station na nakipag-ugnayan na sila sa Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 Luna, Isabela.
Kumuha ng spot report ang kooperatiba ng kuryente at umaasa silang magbibigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima.










