--Ads--

Nanawagan ang pamilya ng nasawing pasahero ng bumagsak na Piper Plane sa National Government na sana ay maaksyonan at tuluyan nang matapos ang Ilagan-Divilacan road na siyang magiging pangunahing daan patungo sa coastal town ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Cynia Camiguing Cano kaanak ng biktima sinabi niya na labis na ang kanilang paghihirap dahil sa delikadong paggamit ng eroplano o di kaya ay bangka para lamang makapunta sa main land.

Umaasa siya na mabibigyang pansin ang kanilang panawagan upang hindi na masundan pa ang ganitong aksidente sa himpapawid.

Kaugnay nito bukas naman ang Pamahalaang Lokal ng Divilacan para maisaayos na ang Ilagan Divilacan road matapos maitala muli ang pagbagsak ng eroplano sa kabundukan ng Sierra Madre.

--Ads--

Ayon kay Mayor Venturito Bulan na maliban kay Ginang Erma Escalante at sa nauna pang biktima ng pagbagsak ng eroplano sa Sierra Madre ay marami pang buhay ang nawala dahil sa delikadong transportasyon patungo sa Coastal Areas.

Hinihiling nila ngayon na sana ay mabigyan na sila ng konsiderasyon at pahintulutan na ng Pamahalaang Panlalawigan at DENR na muling buksan ang Ilagan Divilacan road.

Kung sa tutuusin ay nais na rin ng Lokal LGU’s na ipagpatuloy na ang pagsasaayos sa kalsada para lamang matugunan na ang matagal nilang kalbaryo sa pagbiyahe.