CAUAYAN CITY – Determinado ang pamilya ng nasawing nurse sa isang Resort sa Bagumbayan, Tabuk City na sampahan ng kaso ang management ng resort dahil sa kapabayaan matapos ang aksidenteng kinasangkutan ng kanilang kaanak.
Matatandaang nabitawan ng biktimang si Paul Herbert Gaayon, binata, residente ng Purok 5, Bolinao Centro, Tabuk City, Kalinga ang pagkakahawak sa zipline na nagresulta ng kanyang pagkahulog at pagbagsak sa safety net ngunit bumigay at napunit bago bumagsak sa sementadong sahig ng resort.
Nasa walong metro ang taas ng zipline at walang safety harness bilang proteksyon ng mga magzizipline dahil tanging hawakan lamang at lalambitin ang mga gagamit at babagsak sa tubig.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Ford Wassig, tagapagsalita ng Tabuk City Police station, sinabi niya na nais ng pamilya ng biktima na magsampa ng kaso sa korte laban sa management ng resort oras na mailibing ang kanilang kaanak.
Kukuha nalamang ng abogado ang pamilya ng biktima at ang abogado na ang magdedesisyon sa kasong ihahain laban sa management ng Resort.
Batay sa kanilang pagsisisyasat lumalabas na may pagkukulang at kabapabayaan ang management ng Resort dahil sa pagkapunit ng safety net na sana ay sasalo sa biktima na naging sanhi upang direkta itong bumagsak sa sementadong sahig.
Bagamat may safety officer sa paligid ng resort ay walang safety gear at helmet ang zip line na maaaring gamitin ng mga bisita.
Dahil sa insidente ay pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng resort.
Nagpaalala ang Pulisya sa publiko na mag-ingat at tiyakin ang kaligtasan sa pamamasyal o pagpunta sa mga resorts.