CAUAYAN CITY – Umaasa ang pamilya ng 3rd year nursing student na pinaslang sa Lunsod ng Santiago na sumuko at mahuli na ang pinaghihinalaan.
Sa pagtungo ng Bombo Radyo Cauayan, sa kanilang tahanan sinabi ng lola ng biktima na dahil nasa ibang bansa ang mga magulang ng kanyang apo ay siya na ang nag-aalaga rito.
Ang biktima ay bunso sa dalawang magkapatid.
Ang ama ng biktima ay umuwi sa bansa dahil dadalo sana sa kaarawan ng kanyang anak sa ikadalawamput apat ngayong Hunyo ngunit nagulat na lang na madatnan ng bangkay ang anak.
Napilitan anya silang sabihin na pinatay ang kanyang anak dahil hinahanap ng kanyang ama.
Hindi nila inaasahan ang nangyari dahil mabait at malambing ang dalaga.
Aniya, text messages lamang ang kanilang ugnayan sa biktima at ipinaalam na hindi muna makakauwi sa bayan ng San Mateo dahil malapit na ang kanyang pagsusulit.
Ipinaalam din ng dalaga sa kanila na magsasamba siya noong araw ng linggo.
Nauna rito ay nakita ang bangkay ng nursing student sa bakanteng lote sa Buenavista, Santiago City.
Nakitang nakagapos at nakadapa ang katawan ng dalaga nang matagpuan ng isang construction worker sa ginagawang daan sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng Santiago City Police Office o SCPO na hindi natagpuan sa lugar ang dala ng biktima na shoulder bag at cellphone nang umalis sa kanilang boarding house para magsimba.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na Pinukpok ng matigas na bagay ang mukha ng dalaga na nagdulot ng malubhang sugat sa kanyang noo.
Nakaugalian ng dalaga na kapag umaalis sa kanilang boarding house ay nagpapadala siya ng mensahe sa kanyang mga magulang at sa nasabing pagkakataon ay nai-send niya ang body number ng tricycle na kanyang sinakyan.
Ito ang gagamiting lead ng mga imbestigador sa kanilang pagsisiyasat sa pagpatay sa biktima.
Isinailalim din sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.