Ginunita kahapon, ika-19 ng Pebrero ang ikalawang anibersaryo ng karumaldumal na pagpaslang kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at lima pa niyang kasamahan.
Nagsagawa ng prayer rally at nagsindi ng kandila ang kapamilya at tagasuporta ng “Aparri 6” sa Kinakao, Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya kung saan naganap ang pananambang sa mga biktima dalawang taon na ang nakalilipas.
Sa isinagawang prayer rally sa bayan ng Aparri, hustisiya at katarungan ang nananatiling dalangin ng maybahay ni Vice Mayor Alameda na si Elizabeth Alameda para sa kanyang asawa at lima nitong kasamahan.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marinella Alameda, Misis ni John Duane Alameda na isa sa mga nasawi sa ambush, sinabi niya na nagtungo rin sila sa piskalya sa Nueva Vizcaya upang kumustahin ang kaso ng kanilang napatay na kapamilya.
Dagdag ni Gng. Alameda, patuloy na nararamdaman niya ang sugat at sakit ng pagkamatay ng kaniyang asawa at mga kamag-anak sa kabila ng mga taong lumilipas.
Aniya hinihintay na lang nila ang resulta sa DOJ dahil umapela ang mga Person of Interest.
Aniya napakatagal ng due process sa Pilipinas kaya tila naiinip na rin sila pero ang mahalaga ngayon mailatag na ng maayos ang pagsampa ng kaso.
Samantala, sinigurado ni Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito na bukas pa rin ang provincial government ng Nueva Vizcaya na magbigay ng P200,000 bilang pabuya sa makakatulong sa pagbibigay ng mahalagang impormasyon ukol sa kasong ito.
Binisita rin ng mga kapamilya ng mga biktima ang gobernador sa kanyang tanggapan upang alamin kung bukas pa rin ang alok na pabuya.
Umaaasa sila na makakatulong ang nasabing pabuya para sa paglutas ng kaso.