
CAUAYAN CITY – Nananawagan ngayon ng tulong ang pamilyang nasunugan at namatayan sa Barangay Bliss Village, City of Ilagan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marites Pineda ang may-ari ng nasunog na bahay sinabi niya na nasa ospital sila nang maganap ang sunog.
Aniya itinawag lamang ng kaniyang kapitbahay na nasusunog ang kanilang bahay.
Wala rin sa bahay nila ang mister niya dahil naghatid ito ng pagkain sa hospital at tanging dalawang anak lamang niya ang naiwan.
Sa ngayon ay hindi niya alam ang gagawin dahil naka-confine sa hospital ang dalawa pa niyang anak habang sa community center lamang nakalagak ang labi ng nasawing anak nito na isang PWD na nasa loob ng bahay nang mangyari ang sunog.
Panawagan ngayon ng pamilya sa mga may mabubuting puso na handang magbigay ang anumang tulong sa kanilang pamilya dahil wala silang naisalbang gamit sa naganap na sunog.
Samantala, Inihayag ng kapitbahay na si Rosalie Pamittan na kumakain siya nang mapansin niyang nasusunog ang kusina nina Ginang Pineda na limang metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.
Batay sa kaniya na nakaligtas mula sa sunog ang isang anak ni Ginang Pineda habang hindi naman nila nagawang mailabas ang PWD na anak nito.
Nataranta aniya sila dahil sa laki ng apoy kaya agad silang tumawag ng mga bumbero na agad namang tumugon.
Mabilis ring kumalat ang apoy dahil maliit lamang ang espasyo sa bahay ng mga biktima na gawa rin sa light materials.










