--Ads--

CAUAYAN CITY – Narekober ng tropa ng pamahalaan ang isang eksplosibo na hindi sumabog na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng Communist Terrorist Group o CTG at iba’t-ibang mga subersibong dokumento sa bahagi ng Sitio Barikir, Barangay Maxingal, Lal-lo.

Sinabi ni LtC. Oliver Logan, Battalion Commander ng 17th Infantry Battalion na isang dating rebelde ang nagbigay ng impormasyon sa kinalalagyan ng naturang mga pampasabog na agad namang bineripika ng kasundaluhan kasama ang hanay ng kapulisan.

Agad na nagtungo ang mga kasapi ng 17th IB, Marine Battalion Landing Team-10, at PNP sa lugar at narekober ang tig-dalawang 105MM at 155MM na bomba.

Bukod dito ay mayroon ding mga libro tulad ng Saligang Batas ng Partido Komunista, leaflets ng NDF Cagayan Valley na may pamagat na Rebbeken ti imperyalismo, pudalismo, ken burukrata kapitalismo, at iba pa.

--Ads--

Nagpasalamat si LtC. Logan sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga former rebels sa kanilang kampanya laban sa insurhensiya.

Aniya, dahil sa simpleng pagsisiwalat ng impormasyon, maraming buhay ang naililigtas mula sa pinsalang maaring idulot nito at maraming mga kabataan at iba pang mga nasa sektor ng lipunan ang mailalayo mula sa panlalason at panlilinlang ng teroristang grupo.

Ayon naman kay MGen. Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, wala nang iba pang rason ang mga miyembro ng CTG sa paggamit ng mga pampasabog kundi ang kumitil ng buhay ng mga inosenteng indibidwal.

Patunay lamang aniya ito na patuloy sa paglabag sa International Humanitarian Law ang mga teroristang NPA na hindi nagdadalawang isip na kumitil ng buhay sa kahit ano mang paraan.

Hindi aniya nila ito hahayaang mangyari at poprotektahan nila ang sambayanang Pilipino sa lahat ng pagkakataon.

nasa pangangalaga na ng 17IB ang mga narekober na kagamitan ng CTG para sa kaukulang disposisyon.