--Ads--

CAUAYAN CITY –Umaasa ang militar na sasang-ayunan ng mga lider ng makakaliwang grupong New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Isabela ang “localized peace talks”.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Captain Jefferson Somera, pinuno ng Division Public Affairs Office ( DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na nais ng Department of National Defense (DND) na ituloy ang localized peace talks dahil mas alam ng mga Local Government Units ( LGUs) kung ano ang approach na kanilang gagawin sa mga lider ng komunistang grupo sa kanilang nasasakupan.

Halimbawa na lamang ang sitwasyon ng Cordillera Administrative Region na kinausap nila ang mga tribal leader na siyang makikipag-usap sa mga lider ng mga komunista.

Aniya nais din ni Pangulong Duterte ang localized peace talks kaysa sa national peace talks na laging naipagpapaliban dahil sa mga patutsada ni CPP founder Jose Maria Sison.

--Ads--

Sinabi pa ni Capt. Somera na susuportahan ng militar ang mga LGUs na nagnanais sumasang-ayon sa nasabing hakbang basta hindi ipipilit ng mga rebeldeng grupo ang coalition governement.

Binigyang diin niya ang “localized integration program” na naglalayong tulungang maayos ang kaso ng isang rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan.
Ayon kay Capt. Somera, sa ngayon ay wala pa silang nakukuhang feedback sa mga rebeldeng grupo ngunit nakahanda sila sa localized peace talks kung nanaisin ito ng mga makakaliwang pangkat.