CAUAYAN CITY – Maayos ang koordinasyon ng Jones Police Station at 86th Infantry Battalion Philippine Army hinggil sa pagbabantay sa seguridad sa mga barangay ng Jones, Isabela noong nakaraang halalan.
Nagkaroon lang ng suliranin nang harangin at sunugin ng mga armadong lalaki ang mga bahagi ng 2 Vote Counting Machine (VCM) na dadalhin sana noong Martes ng umaga sa Munisipyo ng Jones, Isabela.
Ito ay dahil hindi umano nakipag-ugnayan sa mga sundalo ang mga kasapi ng Electoral Board ng Dicamay 1 at Dicamay 2, Jones bago ibiniyahe ang mga VCM at election paraphernalia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. Col. Remigio Dulatre, commander ng 86th IB na pinakilos niya ang mga sundalo na nagbabantay sa mga polling places sa nasabing barangay nang makatanggap sila ng impormasyon dakong alas diyes ng gabi hinggil sa balak ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na ambusin o tambangan ang mga sundalo na mag-eescort sa mga guro na magdadala sa munisipyo sa mga VCM at resulta ng halalan.
Ito ay bilang ganti sa pagkamatay ng ilan nilang kasama kabilang ang isang kumander sa naganap na sagupaan sa San Sebastian, Jones, ilang linggo bago ang halalan.
Ayon kay Lt. Col. Dulatre, nagsagawa ng clearing operation ang kanyang tropa para sa kaligtasan ng Electoral Board mula sa dalawang malayong barangay na kilalang may presensiya ng mga rebelde.
Ito ay matagumpay nilang nagawa ngunit kinuwestiyon niya kung bakit umalis ang mga guro nang walang pabatid sa tropa ng militar na dapat nagbigay sa kanila ng seguridad.
Ayon kay Lt. Col. Dulatre, batay sa kanilang napag-usapan sa PNP, ang mga sundalo ng 86th IB ang magbibigay ng seguridad sa mga barangay ng Dicamay 1 at 2, Namnama at San Sebastian kung saan naganap ang sagupaan ng mga NPA ngunit hindi na nila sakop ang Sta. Isabel kung saan nakasingit ang mga armadong lalaki na humarang sa dumptruck na sinakyan ng mga guro at VCM technician.