--Ads--

Nakatakdang talakayin ng mga opisyal ng Barangay Rizal, Santiago City ang pagbibigay ng tulong pinansyal at iba pang uri ng ayuda sa kanilang kabaranggay na nasunugan ng bahay nitong Pebrero 4.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Captain Tyrone Buck, ibinahagi nito na prayoridad ng barangay ang agarang pagtulong sa apektadong residente na si Marissa Teruel.

Plano rin ni Buck na makipag-ugnayan kay Marissa ngayong Huwebes upang mapag-usapan ang eksaktong tulong na maibibigay ng barangay, kabilang ang pinansyal at iba pang uri ng assistance.

Kwento ng Punong Barangay, bandang alas-10:30 ng umaga nitong Miyerkules nang makatanggap ng tawag ang kapitan mula sa isang kamag-anak sa lugar na nagsabing nasusunog ang bahay ni Marissa dahilan upang agad silang tumawag ng bumbero na mabilis namang rumesponde sa lugar.

--Ads--

Batay sa ulat ng mga rumespondeng awtoridad, hindi tuluyang nasunog ang bahay ng biktima. Gayunpaman, hindi agad nakausap ng kapitan si Marissa noong mga oras na iyon dahil sa isinagawang bloodletting activity ng barangay.

Sa kabuuan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Barangay Rizal sa apektadong residente upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang tulong at suporta.