
CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang pamunuan ng Gamu Water District sa Gamu, Isabela kaugnay ng reklamo ng mga residente na lumalabas na kiti-kiti sa kanilang mga gripo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Freddie Maquinad, general manager ng Gamu Water District (GWD), sinabi niya na nagkaroon ng hindi inaasahang brownout ang Isabela Electric Cooperative o ISELCO 2 noong Martes kaya pansamantala ay gumamit sila ng generator.
Pagsapit ng alas dose ay hindi na nila ito nagamit dahil nagkaroon ng problema at hindi pa bumabalik ang suplay ng kuryente.
Aniya, dalawang oras na walang tubig sa naturang araw at dahil sa init ng panahon ay halos walang maiwan sa linya ng kanilang tubo.
Gayunman ay hindi galing sa kanilang mga tangke ang kiti-kiti na lumabas sa mga gripo kundi mula sa mga drum na pinag-iimbakan ng tubig sa Purok 7, Sta. Rosa ng barangay District 3, Gamu.
May mga matataas aniyang bahagi ang naturang lugar kaya mayroon silang drum na imbakan ng tubig at sa kanyang pag-iikot ay nakita niyang may nakalubog na host sa mga ito.
Nang mawalan ng tubig sa ibabang bahagi ng naturang lugar ay hinigop na ng system ang tubig maging ang laman ng mga drum kaya naisama ang lahat ng mga kiti-kiti.
Para maibalik ang dating linis ng tubig ay ilang beses silang nagblow off at naglinis ng tangke at mayroon din siyang mga pinag-iikot para magblow off sa mga linya ng tubig na patungo sa mga kabahayan.
Ayon kay Engr. Maquinad sa kanya, unang beses itong mangyari sa kanila kaya nakiusap siya sa mga mamamayan ng Gamu na intindihin ang nangyari dahil hindi naman nila ito kagustuhan at sila rin ang mananagot kapag may outbreak.
Nakiusap din siya sa mga may drum na kung wala itong tubig ay huwag isawsaw ang host at huwag buksan ang kanilang gripo dahil hihigupin ito ng tubig at lahat ay maapektuhan.
Tiniyak niya na hindi na ito mauulit dahil ginawan na nila ng paraan.




