CAUAYAN CITY – Naging matagumpay ang ikalawang pagbisita ng Cauayan City Task Force sa inirereklamong poultry farm sa Marabulig Uno, Cauayan City dahil sa napakaraming langaw.
Matatandaang hindi pinapasok ng pamunuan ng farm ang City Task Force sa kanilang unang pagbisita sa lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na sa kanilang pagbisita ay agad pinag-usapan ang mga kasong kakaharapin ng nasabing poultry farm.
Nakasama sa inspeksyon ang Business Permit and Licensing Office, Sanidad at ibang ahensya ng pamahalaan upang malaman ang pagkukulang ng pamunuan ng farm.
Nalaman naman ng Task Force na ipinatawag na ng may-aring kongresista ang mga tauhan ng farm para sa pag-spray sa lugar kaya wala nang langaw sa kanilang pangalawang beses na pagbisita.
Aminado naman aniya ang farm owner na may pagkukulang dahil hindi nasusunod ng farm manager ang mga alituntunin sa farm lalo na kapag harvest season.
Pinayuhan naman ng Task Force ang pamunuan ng farm na gumawa ng compost pit para sa mga dumi na galing sa farm at takpan ng ipa ng palay upang hindi langawin.
Nangako naman ang pamunuan na susundin ang napag-usapan.