CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na ginagawa ng mga imbestigador ang lahat ng kanilang makakaya upang malutas ang mga kaso ng pagbaril at pagpatay sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol Julio Go, panlalawigang director ng IPPO na inatasan na niya ang mga tagasiyasat ng IPPO at Provincial Intelligence Unit na tumulong sa pagsisiyasat sa mga kaso ng pagpatay sa gurong si Samuel Santiago ng Paddad, Alicia, Isabela at kay PCPL Marnix Baquiran.
Magkakaiba aniya ang mga sinisiyasat na anggulo ng mga imbestigador para malutas ang mga kaso ng pagpatay.
Binigyang-diin ni PCol Go na hindi nila hawak ang pag-iisip ng mga taong gustong gumawa ng krimen ngunit tiniyak niya na hindi sila titigil hanggat hindi ito nalulutas.
Ang problema aniya ay ang pakikipagtulungan ng pamilya ng mga biktima sa otoridad.
Mahalaga ang suporta ng komunidad lalo na ang pamilya ng mga biktima.
Ayon kay PCol Go, bubuo sila ng Special Invetigation Task Group (SITG) para matutukan ang pagsisiyasat sa pananambang kay PCpl Baquiran.
Makakatuwang nila sa pagsisiyasat ang ibang PNP units tulad ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG), Forensic Unit at Provincial Legal Office.
Sinisiyasat ang history ng pulis tulad ng kanyang nakaraang assignment, at pribadong dealings para malaman nila ang motibo sa pagpatay sa kanya.
Samantala, sa pagdukot at pagpatay sa 28 anyos na si Marco Salgado ng District 1, Cauayan City, sinabi ni PCol Go na inatasan niya ang hepe ng Cauayan City na lutasin ang kaso na ito.
Tiniyak aniya ng hepe na malulutas ang kaso ng pagdukot kay Salgado at masasampahan ng kaso ang mga suspek sa mga susunod na araw.